1M Trabahong Pangako ng Pax Silica, Hindi Sagot sa Krisis sa Trabaho at Kahirapan
Naging mainit na usapin ang Pax Silica matapos ang sunud-sunod na mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa. Habang itinataguyod ng pamahalaan ang proyekto bilang malaking pagkakataon para sa ekonomiya at trabaho, tinututulan ito ng mga sektor na nag-aalala sa epekto nito sa kabuhayan, kalikasan, at soberanya ng Pilipinas.
Ayon sa Malacañang, inaasahang magbibigay ang Pax Silica ng hanggang isang milyong trabaho sa bansa. Pero para sa mga migranteng Pilipino, ang pangakong ito ay hindi sapat na sagot sa mas malalim at mas malawak na krisis ng kahirapan.
Kahirapan ang tunay na problema
Ang pangunahing problemang kinahaharap ng maraming Pilipino ay hindi lamang kawalan ng trabaho, kundi ang patuloy na kahirapan. Sumasahod nang mababa ang mga manggagawa habang tumataas ang halaga ng pangunahing bilihin at petrolyo sa buong mundo.
Naapektuhan din ang sektor ng agrikultura, lalo na ang mga magsasaka na humaharap sa panganib sa kanilang kabuhayan. Dahil sa kahirapan at kawalan ng sapat na oportunidad sa bansa, maraming Pilipino ang napipilitang mangibang-bansa para makahanap ng mas magandang buhay.
Disenteng trabaho, hindi pangako lamang
Para sa mga migrante, dapat tutukan ng gobyerno ang tunay na industriyalisasyon—pagtatatag ng mga industriyang magbibigay ng disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod. Hindi lamang dapat umasa sa malalaking proyektong dayuhan ang bansa kundi dapat palakasin ang lokal na produksyon, agrikultura, at manufacturing na may benepisyo para sa mas malawak na mamamayan.
Ayon sa Migrante, hindi lahat ng Pilipino ay kwalipikado o aakma sa mga teknikal na pamantayang hahanapin ng isang AI at semiconductor hub. Kaya’t kahit may pangako ng trabaho, hindi nito agad masosolusyunan ang mass unemployment at kahirapan.
Ano ang Pax Silica?
Ang Pax Silica ay isang U.S.-led na inisyatiba na layong magtayo ng AI at semiconductor supply chain para raw hindi na umasa sa China. Sa Pilipinas, ang pinakakongkretong panukala ay ang pagtatayo ng malaking AI at advanced manufacturing hub sa New Clark City, Tarlac, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 1,620 ektarya ng lupa.
Sinabi ng pamahalaan na maaaring umabot sa 190,000 direct jobs at 800,000 indirect jobs ang proyekto, bukod pa sa tinatayang $70 bilyong investment. Ngunit para sa mga grupong tutol dito, ang mga bilang na ito ay hindi pa rin sapat na katwiran para isakripisyo ang lupa, tubig, kuryente, at kabuhayan ng mga apektadong komunidad.
Panganib sa likas na yaman at komunidad
Ayon sa Migrante, hindi lamang yamang mineral, tubig, at kuryente ang kakailanganin ng AI hub. Maaari rin nitong gamitin at maapektuhan ang likas na yaman ng bansa, lalo na sa isang lugar na may mataas na demand para sa tubig at enerhiya.
Mas malalim pa ang alalahanin ng mga komunidad sa loob at paligid ng proyekto. Sinasabi nila na maaaring mawalan ng kabuhayan, karapatang manirahan, at kinabukasan ang tinatayang 30,000 mamamayan sa 1,600 ektaryang lupa kung saan sila naninirahan.
Usapin ng soberanya
Bukod sa ekonomiya at kapaligiran, binibigyang diin din ng mga kritiko na may mas malalim na usapin ng soberanya. Ayon sa kanila, hindi lamang teknolohiya at industriya ang pakay ng Pax Silica kundi maaari rin itong maging bahagi ng mas malawak na plano ng U.S. at kasosyo nito sa rehiyon.
Kinakatakot nila na kung itatayo ang mga pasilidad na kaugnay ng proyekto, lalo na ang mga maaaring gamitin sa militar o depensa, magiging mas madali para sa mga kaaway ng US na targetin ang Pilipinas at kaladkarin tayo sa gera.
Para sa mga migrante, ang Pax Silica ay hindi simpleng usapin ng trabaho lamang. Ito ay usapin ng lupa, kabuhayan, kapaligiran, at kinabukasan ng bansa. Kaya’t bago isakatuparan ang anumang malaking proyekto, dapat siguraduhin ng gobyerno na ang mga benepisyo nito ay tunay na mapupunta sa mamamayan at hindi lamang sa dayuhang interes.
This article is a product from participants of the third community journalism session of SANDIGAN (Samahan ng mga Domestic Helpers sa Gitnang Silangan, or the Association of Domestic Helpers in the Middle East) and AlterMidya with the support of the Asia Pacific Mission for Migrants (APMM) and World Association of Christian Communication as part of You Are Not Alone (YANA) project.